Milyung- milyong mga bata, kababaihan at kalalakihang
pumanaw nang dahil sa kahirapan at gutom
tayo ngayon ang nagmana.
At kayong mga nabubuhay pa,
hindi ang inyong karalitaan ang aking isinisiwalat sa araw na ito,
Kundi ang inyong buhay ang aking sinasaksihan
dito sa dambana ng kalayaan.
Ako’y sumasaksi sa inyo,
mga ina na ang mga anak ay sawing-palad na nasadlak
sa kahirapan ay kayrami na sa mundong ito .
Ako’y saksi sa inyong mga anak na namimilipit sa hapdi ng gutom,
na halos di na makangiti, ngunit patuloy pa ring nagmamahal.
Ako’y sumasaksi sa milyong mga kabataan
na walang dahilan na manatili o maniwala,
ngunit walang tigil na naghahangad ng kinabukasan
dito sa magulong mundo na walang katuturan.
Ako’y sumasaksi sa inyo,
mga mahihirap sa buong panahon at magpahanggang ngayon
sinakmal ng mga daan, tumatakas kung saan-saan,
hinahamak at ikinahihiya.
Mga manggagawang walang hanap-buhay,
durog na sa pagod sa walang tigil na paggawa.
Mga kamay ng mga manggagawa, na sa mga araw na ito ay wala nang saysay.
Milyong milyong mga bata, kalalakihan at kababaihan
ang pintig ng inyong puso
ay buong lakas pa ring tumitibok sa pakikibaka,
ang isip ay tumatanggi sa hindi makatarungang
kapalaran na sa inyo’y ipinataw,
kaya nararapat na ang inyong kagitingan
ay katumbas ng walang hanggang karangalan.
Ako’y sumasaksi sa inyo,
mga bata, mga kababaihan at mga kalalakihan
hindi ninyo ninais na kayo ay kamuhian
kundi ang kayo ay ipanalangin at mahalin
nais ninyong gumawa at magkabigkis
upang isilang ang mundong nagkakaisa;
isang mundo, ating mundo,
na kung saan ang lahat ng tao
ay makapag-iwan ng pinakamabuti
mula sa kanilang sarili bago pumanaw.
Ako’y sumasaksi sa inyo,
mga bata, kalalakihan at kababaihan
iniukit ng mga kamay at puso sa marmol na ito
ang inyong karangalan dito sa dambana ng kalayaan.
Sumasaksi ako sa inyo upang ang lahat ng tao,
ay manindigan sa kahalagahan ng sangkatauhan,
na itakwil magpakailan man ang matinding kahirapan,
na ito ay maaaring iwasan.